Home HOME BANNER STORY 7 sugatan, mahigit 19K apektado sa bagyong Aghon —NDRRMC

7 sugatan, mahigit 19K apektado sa bagyong Aghon —NDRRMC

MANILA, Philippines – INIULAT ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may pitong katao ang sugatan habang mahigit sa 19,000 naman ang apektado ng Bagyong Aghon.

Si Bagyong Aghon ang kauna-unahang tropical cyclone na tumama sa bansa ngayong taon.

Sa update report na ipinalabas ng NDRRMC, may 19,373 ang apektadong katao o 8,465 pamilya, mula sa apat na rehiyon.

May 5,343 katao ang inilikas dahil kay Aghon, marami sa mga ito ang nanunuluyan ngayon sa 81 evacuation centers na itinayo ng pamahalaan.

Dahil din kay Aghon, bumaha sa 13 lugar sa Mimaropa at Eastern Visayas regions, at nasira ang 22 kabahayan habang apat naman ang ganap na nawasak.

Samantala, ang pagbaha, landslide, at kawalan ng suplay ng kuryente ay napaulat naman sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa gitna ng pananalasa ng Tropical Cyclone Aghon.

Sa ulat, sa Quezon, maraming bahay ang halos lumubog sa tubig-baha sa Barangay Market View, Lucena City; coastal barangays sa Mauban; at Barangay Del Pilar sa Lopez.

Marami namang bangka ang sinira ng malakas na alon.

Sa bayan ng Sariaya kung saan tumama si Aghon, araw ng Linggo, umapaw ang tubig sa bukirin at pumasok sa mga bahay.

Isang magsasaka ang nagtangkang iligtas ang kanyang kalabaw gamit ang isang makeshift raft o pansamantalang balsa na gawa sa puno ng saging.

Samantala, isinisisi naman ng mga awtoridad ang pagbaha sa mga bayan sa Pagbilao at Lucena sa baradong drainage.

Sa Catanduanes, gumuho ang Kanparel detour bridge dahil sa malakas na agos ng tubig-baha , linggo ng gabi, dahilan para isara ng mga awtoridad ang naturang tulay.

Sa Batangas, may ilang residente ang inilikas sa barangay halls at eskuwelahan sa gitna ng malakas na hangin, malakas na pag-ulan at baha sa bayan ng San Juan. May ilang puno naman ayon sa report ang bumagsak at humarang sa kalsada.

Napaulat naman ang kawalan ng suplay ng kuryente matapos na may ilang poste ng kuryente ang bumagsak.

Sa kabilang dako, pinayuhan naman ni Barangay Mabalanoy chairman Joseph Ryan Sentales ang mga residente na iwasan na lumabas ng kanilang bahay dahil sa banta ng lumilipad na metal ng bubong habang nananalasa si Aghon.

Sa Laguna, na-stranded ang mga motorista sa national highway sa bayan ng Bay dahil umabot hanggang baywang ang tubig-baha. May ilang motorista naman ang napilitang maglakad sa baha.

Sa Calauan, Laguna, ang tubig sa ilang bukirin ay umapaw at umabot sa mga bahay. Sa Pagsanjan, may ilang residente ang pinayuhan na lumikas matapos na ang water level sa ilog ay lumampas sa normal level.

Samantala sa Aurora, napaulat ang landslide sa Baler kung saan isinisisi naman sa saturasyon sa ground dahilan ng patuloy na pag-ulan.

Habang sa bayan ng Dilasag sa Aurora, na-stranded ang mga motorista matapos na umapaw ang ilog. Sa Dinalungan, may ilang mangingisda ang pinanatili ang kanilang bangka sa baybayin habang ipinagbawalan naman ang mga ito na mangisda. Kris Jose