MANILA, Philippines- Sugatan ang pitong katao kabilang ang babaeng driver ng isang Toyota Vios nang araruhin nito ang sasakyan ng mga biktima dahil sa mabilis na pagmamaniobra ng kanyang kotse sa Noveleta, Cavite.
Ginagamot sa magkakahiwalay na ospital na pinagdalhan ang mga biktima na sina Larry Ilodan, Jeerso Vasquez, Henry De Guzman, Jerome Gabriel Lazo, Shgh Balwinder at Jovivon Chavez.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang Toyota Vios na may plakang ZGT 294 na minamaneho ni alyas Hershey ng San Rafael II, Noveleta, Cavite na kasalukuyang naka-confine sa Tanza Specialist hospital.
Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-11:18 kamakalawa ng umaga nang naganap ang insidente kung saan minamaneho ng suspek ang kanyang Toyota Vios habang binabagtas ang kahabaan ng Manila-Cavite Road, Brgy. San Rafael III, Noveleta, Cavite patungo sa direksyon ng Cavite City at dahil mabilis ang kanyang pagpapatakbo ay bumangga ito sa isang sasakyan ng biktima.
Tinangka nitong magmaniobra paatras kung kaya bumangga ito sa isang poste kaya muling umatras at nasagi nito ang isang nakaparadang sasakyan hanggang nabangga naman nito ang iba pang sasakyan ng mga biktima.
Isinugod sa ospital ang lahat ng nabiktima kabilang ang driver ng Toyota Vios makaraang mawalan ng malay dahil sa nasabing insidente. Margie Bautista