Home NATIONWIDE Pinatatag na Early Childhood Care and Development System Act, naisabatas na

Pinatatag na Early Childhood Care and Development System Act, naisabatas na

MANILA, Philippines- Ikinatuwa ni Senador Win Gatchalian ang pagkakalagda sa Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199), isang mahalagang repormang tututok sa pagpapatatag ng pundasyon ng mga batang wala pang limang taong gulang.

Sa ilalim ng bagong batas, magiging saklaw ng lahat ng probinsya, lungsod, munisipalidad, at mga barangay ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System upang makamit ang universal ECCD access sa lahat ng mga batang wala pang limang taong gulang.

Bahagi ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrition, early childhood education, at social services development programs.

Ang local government units (LGUs) ang magiging responsable para sa pagpapatupad ng ECCD System. Magiging tungkulin nila ang probisyon ng mga pasilidad at resources para sa epektibong paghahatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa ECCD.

Magiging mandato rin sa LGUs ang paglikha ng plantilla positions para sa Child Development Workers (CDWs) at Child Development Teachers (CDTs).

Titiyakin din ng mga LGU na may isang Child Development Center (CDC) sa bawat barangay.

“Mahalaga ang pagpapatatag ng pundasyon ng ating mga kabataang wala pang limang taong gulang, lalo na’t nakasalalay dito ang kanilang kakayahang matuto at magtagumpay bilang mga mamamayan,” ani Gatchalian na sponsor ng naturang batas. Ernie Reyes