Home NATIONWIDE 7,062 admin support staff kukunin ng DepEd; guro pokus lang sa turo

7,062 admin support staff kukunin ng DepEd; guro pokus lang sa turo

MANILA, Philippines – Nag-anunsyo ang Department of Education (DepEd) noong Huwebes ng pag-renew at pagkuha ng 7,062 na administrative support staff para sa pampublikong paaralan sa buong bansa.

Layunin nitong bawasan ang mga gawaing administratibo ng mga guro upang mas makapagtuon sila sa pagtuturo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagbutihin ang kalidad ng edukasyon at pangalagaan ang kapakanan ng mga guro.

Ang mga support staff ay kukunin sa ilalim ng Contract of Service (CoS) na popondohan ng maintenance and other operating expenses (MOOE) ng DepEd. Ang kanilang sahod ay nakabase sa regional minimum wage para sa 22 araw ng trabaho kada buwan, kasama ang 12.5 porsyentong premium na babayaran nang paunti-unti.

Kabilang sa kanilang mga tungkulin ang paghahanda ng mga ulat, pagko-coordinate ng mga programa ng paaralan, at iba pang clerical na gawain.

Ang pag-renew ng kasalukuyang staff ay nakasalalay sa kanilang performance evaluation, habang ang mga bagong aplikante ay daraan sa selection process.

Kinakailangang may Senior High School diploma at kasanayan sa Microsoft Office at paggamit ng mga pangunahing kagamitan sa opisina ang mga kwalipikadong aplikante. RNT