Home OPINION ‘NO TO BUDOL BILL’

‘NO TO BUDOL BILL’

152
0

“NO to budol bill!”

Iyan mismo ang nangangalit na sigaw nitong si Caloocan City Second District Congressman Egay Erice hinggil sa House Bill 8389 o bersyon ng Anti-Political Dynasty bill nina Speaker Bojie Dy at Majority Leader Sandro Marcos.

Para kay Cong Egay, pakitang-tao lang na magpasa ang mga ito ng batas pero walang saysay dahil aniya malinaw na pinapayagan pa rin ang posibilidad na mas maraming miyembro ng iisang pamilya o angkan ang sabay-sabay na tumakbo sa iba’t ibang posisyon—mula punong barangay hanggang sa pambansang antas.

Sa halip na malimitahan, lalo pang nabubuksan ang pinto sa pagpapalawak ng political dynasty sa iba’t ibang antas ng pamahalaan.

“Dahil pinapayagan ang sabay-sabay na pagtakbo ng maraming miyembro ng iisang pamilya, nalilimitahan ang checks and balances sa loob ng pamahalaan at nagiging mas bukas ito sa posibleng korapsyon at monopolyo ng kapangyarihan.”

“Hindi ito anti-political dynasty law, it will institutionalize political dynasties. Ito ay isang malinaw na pambubudol, nabudol na naman ang taumbayan!,” saad ni Erice.

At mas madali magnakaw kung yung tatay mo ang nakabantay sa kaban ng bayan at ang tiyuhin naman ay siyang may hawak ng susi, pagsasalarawan ng beteranong kongresista.

Dahil sa political dynasty, kanyang ibinunyag na umabot umano sa P48.23-billion ang na-allocate sa Leyte district kung saan ang Kinatawan ay si dating Speaker Martin Romualdez na pinsang-buo ni Pangulong Bongbong Marcos samantalang P30-billion naman ang umano’y napunta sa Ilocos Norte First District kung saan ang anak ng Pangulo na si Sandro Marcos ang representante.

Kanyang iginiit sa pakikipag-usap sa Good Riddance, na ang HB 8389 ay mas masahol pa kumpara sa nagaganap sa kasalukuyan. “Hindi lang mataba na dynasty ang ipo-promote nito kundi bundat na dynasty!”

Kung para kay Congressman Zia Alonto Adiong, wala nang magaganap na monopoly of power dahil kung maipasa ito’y wala nang poder ang isang politiko na mag-appoint ng kanyang kamag-anak sa iba’t-ibang posisyon sa pamahalaan.

Para kay Erice, malinaw ang pambabastos sa tunay na essence ng Konstitusyon kung maipapasa ang HB 8389.

“Malinaw na budol at pambobola lang eto sa taumbayan na sila laging talunan sa bandang huli!” dagdag pa ng mambabatas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here