MANILA, Philippines – Iniulat ng Manila Police District (MPD) na umabot sa 72 ang naarestong ralyista dahil sa bayolenteng pagsasagawa ng kilos protesta laban sa korapsyon nitong Linggo, Sept. 21.
Ayon kay MPD Director P/Brig.General Arnold Abad, nangyari ito sa Ayala Bridge, Luneta Park, at sa kahabaan ng Mendiola, C.M Recto dahil sa kagustuhang mapasok ng mga ralyista ang barikada patungong Mendiola.
Itinulak, pinagpupukpok o pinagpapalo ng bakal at matigas na bagay ang mga pulis na nakabarikada; nagpaulan nga bato at bote dahilan para masugatan ang karamihan sa mga pulis.
Bukod dito, may mga ibinabato ring bote na naglalaman ng masangsang o mabahong amoy.
Ayon pa kay Abad, sa 72 naaresto, 51 rito ay nahuli sa Ayala Bridge kung saan sinunog ang gulong ng 20 footer container van na may trailer at isang NMax motorcycle na umano’y pag-aari ng isang pulis.
Nasa 21 naman ang naaresto sa bahagi ng Mendiola dahil hindi nagpaawat ang mga kabataang ralyista sa paghahagis pa rin ng mga bote, bato, at naghagis pa ng molotov.
Sa kabuuang naaresto, dalawa aniya rito ang menor de edad.
Kakasuhan ng malicious mischief, violations of the Anti-Barricade Act, and other related offenses ang mga naaresto dahil sa pinsalang idinulot nila sa maghapon na demostrasyon lalo na sa mga government property. Jocelyn Tabangcura-Domenden