ILOCOS SUR – Tigok ang isang 40-anyos na lalaki matapos barilin habang naniningil ng utang sa Brgy. Pussuac, Sto. Domingo ng lalawigang ito kahapon ng umaga.
Kinilala ng Sto. Domingo MPS ang biktima na si Dionisio Doques y Tabucol, 40, tubong -Brgy. Magsaysay, Sinait, Ilocos Sur ngunit nanirahan sa Brgy. Parada, Sto. Domingo, Ilocos Sur
Nakilala naman ang mag-amang suspek na si alyas Michael, 37, at ang anak nitong 18-anyos na lalaki, parehong residente ng Brgy. Pussuac, Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Ang biktima at ang live-in partner nito ay nagpunta umano sa bahay ng mga suspek para kubrahin ang ininital payment nila sa utang na Kubuta water pump na nagkakahalaga ng P10,000.
Habang naniningil ang biktima, bigla na lamang siyang binaril ng dalawang beses ng mas batang suspek.
Matapos ang pamamaril, ang mag-amang suspek ay umalis sa naturang lugar na nakasakay ng kurong-kurong dala ang duguang biktima.
Dahil dito, mabilis na ikinasa ng Sto. Domingo MPS ang hot pursuit operation laban sa mag-ama na agad namang naaresto.
Natagpuan ang bangkay ng biktima sa Brgy. Paing, Bantay, Ilocos Sur matapos ituro ng mag-ama ang lugar kung saan nila itinapon ito. Rolando S. Gamoso