DUMAGUETE – Muling binigyang-diin ni Deputy Speaker at Kinatawan Camille Villar ang kahalagahan ng pagsuporta sa maliliit na negosyo sa kanyang pagbisita sa Dumaguete Public Market sa Poblacion 3 nitong Huwebes.
Habang nakikipag-usap sa mga tindero at tindera, inalala ni Villar ang mga aral ng sipag at tiyaga na itinuro sa kanya ng kanyang ama, dating Senate President Manny Villar. Ayon sa kanya, ang mga prinsipyong ito ang naging pundasyon ng kanyang 15-taong karanasan sa negosyo at serbisyo publiko.
“Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang sapat na kita, magandang trabaho, at maunlad na hanapbuhay. Ito ang tunay na susi sa pag-asenso ng ating mga kababayan at ng ating bayan,” ani Villar.
Ikinuwento rin niya ang pinagdaanan ng kanyang ama, na nagsimulang tumulong sa kanyang lola, si Nanay Curing, isang tindera ng seafood sa Divisoria Market, upang makaahon sa kahirapan.
Ipinangako ni Villar na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga programa para sa kabataang negosyante at paglikha ng mas maraming trabaho sakaling mahalal siya sa Senado sa darating na halalan sa Mayo.
Matapos ang kanyang pagbisita sa palengke, dadalo siya sa isang press conference at proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Mariano Perdices Memorial Coliseum. RNT