Home NATIONWIDE 73 patay sa pagtugis sa lider ng Mexican cartel

73 patay sa pagtugis sa lider ng Mexican cartel

260
0

MEXICO — Umabot sa 73 katao ang nasawi sa operasyon ng mga awtoridad laban sa lider ng Jalisco New Generation Cartel (CJNG) at sa sumunod na marahas na kaguluhan matapos ang kanyang pagkamatay, ayon sa mga opisyal.

Kabilang sa bilang ang mga miyembro ng seguridad, hinihinalang kasapi ng kartel at iba pa, bagaman hindi pa malinaw ang detalye ng karamihan sa mga nasawi.

Napatay si Nemesio Oseguera Cervantes, alyas “El Mencho,” sa isang engkuwentro sa kanyang home state na Jalisco habang tinatangka siyang hulihin ng militar ng Mexico.

Ayon kay Mexican Defense Secretary Ricardo Trevilla, natunton ng mga awtoridad ang pinagtataguan ng cartel leader sa Tapalpa matapos sundan ang isa sa kanyang romantikong partner.

Tumakas umano si Oseguera kasama ang dalawang bodyguard patungo sa isang kagubatan kung saan nagkaroon ng putukan. Sugatan silang nadakip ngunit nasawi habang dinadala sa Mexico City.

Sa hiwalay na operasyon sa Jalisco, napatay rin ng mga sundalo ang isa pang mataas na opisyal ng kartel na umano’y nag-uutos ng karahasan at nag-aalok ng mahigit $1,000 kapalit ng bawat sundalong mapapatay.

Ayon kay Security Secretary Omar García Harfuch, kabilang sa mga nasawi ang 25 miyembro ng Mexican National Guard na pinaslang sa anim na magkakahiwalay na pag-atake.

Nasa 30 hinihinalang kriminal ang napatay sa Jalisco at apat pa sa karatig na estado ng Michoacan. Nasawi rin ang isang prison guard at isang ahente ng state prosecutor’s office.

Bilang ganti, naglunsad umano ang kartel ng malawakang karahasan kabilang ang pagharang sa mahigit 250 kalsada sa 20 estado at pagsusunog ng mga sasakyan.

Dahil sa banta ng panibagong karahasan, ilang estado ang nagkansela ng klase habang nagbabala ang mga lokal at dayuhang pamahalaan sa kanilang mamamayan na manatili sa loob ng bahay.

Nanawagan ng kalmado si Pangulong Claudia Sheinbaum at iniulat ng mga awtoridad na naalis na ang lahat ng roadblock pagsapit ng Lunes.

Kinumpirma rin ng White House na nagbigay ang Estados Unidos ng intelligence support sa operasyon at pinuri ang hukbo ng Mexico sa pagkakapatay sa isa sa pinaka-most wanted na kriminal sa dalawang bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here