MANILA, Philippines – Pinirmahan ng Maharlika Investment Corporation (MIC) ang isang binding term sheet na magbibigay ng USD76.4 million Bridge Loan para sa early development ng Maalinao-Caigutan-Biyog (MCB) Copper-Gold Project.
Sa pahayag nitong Lunes, Pebrero 24, sinabi ng MIC na ang halaga ay gagamitin para sa pag-update ng feasibility study at front-end engineering design ng Makilala Mining, konstruksyon ng main access road sa partnership sa Kalinga provincial government, at skills-based training para sa Balatoc Indigenous Cultural Community.
Gagamitin din ng Makilala Mining, affiliate ng Celsius Resources Limited-na nakalista sa Australian Securities Exchange at London Stock Exchange— ang naturang loan para tugunan ang financial capability requirements sa ilalim ng Mineral Production Sharing Agreement sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sinabi ng MIC na ang desisyon na suportahan ang MCB Project ay kasunod ng masusing due diligence review sa technical, financial, legal, environmental, at socio-economic aspects nito, na nag-aalok ng ‘promising initial results.’
Ilalabas ang loan sa mga tranch, at ang inisyal na USD10 million ay inilaan para sa agarang pagsisimula ng proyekto.
Kabilang din sa kasunduan ang probisyon na nagsisiguro sa MIC na magkaroon ng partisipasyon sa key project management decisions.
Nagpapatuloy naman ang diskusyon para sa pagkuha ng karagdagang equity funding para sa MCB Project.
Ayon kay MIC President at Chief Executive Officer Rafael Consing Jr., ang MCB Project ay naka-ayon sa mandato ng sovereign wealth fund na magpaunlad sa ekonomiya at sustainable development.
“Our investment decision reflects a shared commitment to the sustainable, inclusive, and regenerative development of the MCB Project,” pahayag ni Consing.
Samantala, sinabi ni Makilala Mining president Julito Sarmiento na ang loan ay nagpapakita ng matinding suporta ng pamahalaan sa responsible mining. RNT/JGC