Home NATIONWIDE Bong Go: Isabuhay ang diwa ng EDSA 1

Bong Go: Isabuhay ang diwa ng EDSA 1

MANILA, Philippines – Sa paggunita ng bansa sa ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino na pagnilayan ang walang hanggang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagbuo sa bansa.

“Ang tunay na diwa ng EDSA ay hindi lang isang selebrasyon tuwing Pebrero. Isa itong paalala na kapag nagbuklod-buklod ang mga Pilipino, mas mabilis nating naaabot ang pagbabago at pag-unlad,” ani Go na hinimok ang mga Pilipinos na magsama-sama tungo sa mas maayos na kinabukasan.

Binigyang-diin niya na ang pagkakaisa na ipinakita sa panahon ng rebolusyon ay maaari pa ring magsilbing gabay sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon.

Ang EDSA People Power Revolution na nagtapos noong Pebrero 25, 1986, ay isang sandali sa kasaysayan ng Pilipinas, na nagpapakita ng kapangyarihan ng mapayapang sama-samang pagkilos.

Makalipas ang halos 4 dekada, binigyang-diin ni Senator Go na bagama’t marami nang pag-unlad, marami pa ring kailangang gawin upang matiyak na ang mga mithiin ng mabuting pamamahala at serbisyo publiko ay manatili sa unahan ng pamumuno.

Bilang chairman ng Senate committee on health at kilalang health reforms crusader, si Senator Go ay patuloy na nagtaguyod ng mga programang naglalapit ng mahahalagang serbisyo ng pamahalaan sa mga tao, partikular sa sektor ng pangangalagang pangkalusugan.

Naniniwala siya na ang pagkakaisa ng mga pinuno, institusyon, at mamamayan ay napakahalaga sa paghahatid ng mga serbisyong ito nang mas mahusay.

“Kahit sa larangan ng serbisyong pampubliko, nakita natin na kung nagtutulungan ang gobyerno at ang mamamayan, mas nagiging epektibo ang mga programa. Hindi natin kailangang maghintay ng isang makasaysayang protesta para lang mailabas ang malasakit sa kapwa,” sabi ni Go.

Binanggit niya na ang diwa ng EDSA ay nakaugat sa accountability at transparency—mga pagpapahalagang dapat gumabay sa lahat ng mga pampublikong opisyal sa paglilingkod sa bansa.

“Ang aral ng EDSA ay dapat hindi lang alalahanin, kundi isabuhay. Mahalaga ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno, at bilang lingkod-bayan, tungkulin natin na ipakita sa kanila na kaya natin silang pagsilbihan nang tapat at may malasakit,” idiniin ng senador.

“Hindi lang ito tungkol sa kung anong nangyari noon. Ang tanong, paano natin gagamitin ang diwa ng pagkakaisa at mabuting pamamahala para sa ikabubuti ng susunod na henerasyon?” pagtatapos ni Go. RNT