MANILA, Philippines – Sinibak ng Philippine National Police (PNP) ang 753 pulis mula noong Abril 2024 dahil sa matinding paglabag.
Sa bilang na ito, 493 ang natanggal dahil sa AWOL, 38 dahil sa paggamit ng iligal na droga, 18 sa kasong panghoholdap/extortion, at 15 sa carnapping. Mayroon ding sinibak dahil sa kasong pagpatay, panggagahasa, at katiwalian.
Ayon kay PNP chief Police General Rommel Marbil, walang puwang sa PNP ang mga pulis na sangkot sa ilegal na gawain, at nananatiling layunin ng organisasyon na maging mapagkakatiwalaan at propesyonal. Tiniyak din niyang dumaan sa tamang proseso ang lahat ng disciplinary actions.
Patuloy ang PNP sa pagpapatupad ng mahigpit na internal monitoring, ethics training, at performance audits upang mapanatili ang integridad ng organisasyon. Mula Enero 1, 2022 hanggang Pebrero 12, 2025, umabot na sa 2,598 ang bilang ng mga sinibak na pulis. Santi Celario