Home METRO 8-anyos natagpuang patay sa Baseco beach

8-anyos natagpuang patay sa Baseco beach

1
0

MANILA, Philippines – Natagpuang wala nang buhay ang isang walong taong gulang na Grade 2 pupil sa Baseco Beach noong Lunes ng gabi, Oktubre 26, ilang oras matapos siyang maligo kasama ang mga kalaro sa lugar na matagal nang ipinagbabawal palanguyan dahil sa panganib at maruming tubig.

Ayon sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), narekober ng Philippine Coast Guard ang katawan ng bata bandang 8:55 p.m. matapos ang paghahanap na nilahukan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naiulat na nawawala ang bata matapos siyang lumangoy kasama ang ibang mga bata bandang 5:30 p.m. sa Barangay 649, Port Area.

Kabilang sa mga lumahok sa search operation ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Maritime Police, Manila Police District at mga opisyal ng Barangay 649. Nag-deploy din ang Manila Geographic Information System ng drone upang makatulong sa paghahanap, habang nakahanda ang Emergency Medical Services team ng lungsod.

Ayon sa imbestigasyon, sinundo ng ama ang bata mula sa paaralan bandang tanghali. Noong una, inakala ng kanyang mga magulang na nasa computer shop siya, ngunit nag-alala sila nang magtanong ang mga kalaro tungkol sa kanyang kinaroroonan.

Ayon sa ina, nalaman lamang ng pamilya na naligo pala ang bata matapos tanungin ang mga batang kasama niya. Sinabi rin ng pulisya na may ilang bata umanong sinabihang ilahad na lamang ang nangyari kinabukasan, at itinago ang mga damit ng biktima.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, matagal nang ipinagbabawal ang paglangoy sa Baseco Beach dahil sa mga panganib sa lugar at mataas na antas ng coliform bacteria sa tubig. Sa kabila ng paulit-ulit na babala, may ilang residente pa ring pumapasok sa restricted area.

Iniakyat na ng Manila Police District ang kaso sa homicide section nito para sa karagdagang imbestigasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here