PANGASINAN, Philippines – Swak sa kulungan ang isang 42-anyos na farm manager matapos masamsam ng mga awtoridad ang 44.7 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱303,960 sa isinagawang operasyon sa bayan ng Tayug nitong Lunes, Oktubre 26.
Ayon sa Tayug MPS, ang suspek ay residente ng naturang bayan.
Bandang alas-4:45 ng madaling-araw nang isinagawa ng mga operatiba ng Tayug Municipal Police Station ang pagpapatupad ng search warrant katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.
Tumagal hanggang alas-7:35 ng umaga ang operasyon na nagresulta sa pagkakadiskubre ng dalawang heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at dalawang plastic straw.
Ginawa ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya doon mismo sa lugar, sa presensiya ng suspek at mandatory witnesses. Rolando S. Gamoso