TARLAC, Philippines – Arestado ang walong lalaki na umano’y sangkot sa ilegal na pagbebenta at paglilipat ng milyun-milyong pisong halaga ng produktong petrolyo sa Victoria, Tarlac.
Dalawang lalaki ang unang naaresto sa Barangay Santa Catalina dahil sa pagbebenta at pamamahagi umano ng fuel sa mga motorista nang walang kinakailangang permit, clearance at certificate of compliance.

“Petroleum products require proper handling and regulation because unauthorized activities can pose risks to consumers and nearby communities,” pahayag ni Central Luzon police director Brig. Gen. Jess Mendez.
Sa operasyon, natuklasan din ng mga pulis na inililipat ang petrolyo mula sa isang tanker truck patungo sa isa pa. May pinagsamang kapasidad na 80,000 litro ang dalawang tanker.

Anim pang lalaki na umano’y sangkot sa paglilipat ng fuel ang inaresto, habang isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang dalawang tanker at mga dispenser.
Nakumpiska rin ang mga sales invoice at kinita sa pagbebenta para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.







