MANILA, Philippines – Sumali bilang “valued partners” ang walong bansa sa Luzon Economic Corridor (LEC) initiative, habang muling pinagtibay ng Pilipinas, Japan, at Estados Unidos ang layunin nitong pabilisin ang infrastructure development at economic connectivity sa bansa.
Ayon sa Japanese Embassy sa Pilipinas, sa ginanap na 4th LEC Steering Committee meeting sa Makati noong Mayo 12, inanunsyo na ang Australia, Canada, Denmark, France, Italy, South Korea, Sweden, at United Kingdom ay opisyal nang bahagi ng inisyatiba bilang partners.
“Together with the Philippines, the United States, and valued partners, we can create significant synergies to accelerate economic growth and enhance connectivity in the Philippines,” sinabi ni Japanese Ambassador Endo Kazuya.
Ayon sa embahada, tinalakay din sa pulong ang progreso ng mga proyekto at mga hamon ng mga kumpanyang namumuhunan sa bansa. Nabanggit din na nakapagbigay na ng “concrete contributions” ang Japan sa transportasyon, enerhiya, at digital technology.
“Japan remains committed to promoting quality infrastructure development, trusted connectivity, and sustainable economic growth in the Philippines,” dagdag pa niya.
Dumalo sa pulong ang mga delegasyon mula sa Japan, US, at Pilipinas, kabilang ang mga opisyal ng DOE, DICT, DOTr, at DOF.
Ang Luzon Economic Corridor ay inilunsad noong 2024 ng Pilipinas, Japan, at US bilang bahagi ng Partnership for Global Infrastructure and Investment, na layong palakasin ang malalaking infrastructure projects at konektibidad sa Luzon. RNT/MND