Home METRO 8 biktima ng trafficking nasagip ng BI

8 biktima ng trafficking nasagip ng BI

MANILA, Philippines- Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang human trafficker na nagtangkang i-escort ang walong biktimang na-recruit para magtrabaho sa Israel sa kabila ng patuloy na krisis sa lugar.

Iniulat ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI na sinubukang umalis ng babaeng trafficker kasama ang mga biktima sakay ng flight ng Emirates airlines sa Clark International Airport (CIA) Terminal 2 sa pagkukunwaring isang pilgrimage sa nasabing bansa.

Nabatid sa BI na inamin ng mga biktima na magtatrabaho sila bilang tagalinis ng ospital at hotel pagdating sa Israel na may ipinangakong buwanang sweldo na P60,000 hanggang P80,000.

Matatandaang noong nakaraang taon, isinailalim ng bansa ang Israel sa crisis Alert level 2, kung saan tanging ang mga bumalik na overseas Filipino workers (OFWs) na may mga kasalukuyang kontrata sa pagtatrabaho ang pinapayagang bumalik sa kanilang destinasyon at ipagpatuloy ang kanilang trabaho.

Ang recruiter ay naiulat na nagtrabaho bilang isang travel agent, at hinikayat ang mga biktima na magtrabaho sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan ng nabanggit na bansa.

Ikinuwento ng isa sa mga biktima kung paano ipinangako ng kanilang ahente na sila ay magtatrabaho sa mas ligtas umano na bahagi ng Israel.

Binatikos naman ng BI Commissioner ang modus at sinabing dapat makulong ang recruiter dahil sa paglalagay sa kanyang mga biktima sa kapahamakan.

“All for money, this recruiter has made her victims agree to such circumstances despite the major life risk,” ani Tansingco. “She should face what she did in court and must be jailed to serve as an example not to prey on the vulnerabilities of our fellow Filipinos,” dagdag pa ni Tansingco.

Ayon sa BI, lahat ng pasahero ay itinurn-over sa inter-agency council against trafficking (IACAT) para sa pagproseso.

Sasailalim sa tulong ang walong biktima habang ang trafficker ay nahaharap sa mga kaso laban sa kanya. JAY Reyes