Home METRO 8 masahista nasagip, 2 bugaw arestado sa Las Piñas

8 masahista nasagip, 2 bugaw arestado sa Las Piñas

MANILA, Philippines – Nasagip ng awtoridad ang walong wellness spa therapist habang dalawa ang inaresto sa ikinasang anti-human trafficking operations nitong madaling araw ng Huwebes, Nobyembre 30, sa Las Piñas City.

Sa nakalap na impormasyon sa Southern Police District ay kinilala ang dalawang nadakip na suspek na sina alyas Mary, receptionist na hinihinalang bugaw, at isang alyas Fred, na siya namang security at maintenance head ng naturang establisimiyento.

Base sa report ng SPD, matagumpay na naisagawa ng mga operatiba ng DSOU, WCCS at DSWD-NCR ang entrapment operation dakong alas 12:10 ng madaling araw sa naturang wellness spa na matatagpuan sa Barangay Pamplona Dos, Las Piñas City.

Ang walong biktima na nai-rescue ay nananatiling nasa pangangalaga ng DSWD-NCR habang ang dalawang inarestong suspects ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SPD headquarters para sa kanilang dokumentasyon at paghahanda sa pagsampa ng kaso laban sa kanila.

Narekober sa isinagawang operasyon ng mga nabanggit na operatiba ang P500 marked money, mga gamit nang condom, at tatlong logbooks na may detalye ng ilang nilang customers.

Bukod sa mga nabanggit na gamit ay nakarekober din sa naturang spa ng maliit na palangganang plastic na may tuwalya, maliit na lalagyang plastic na may laman na 20 kahon ng condom at isang white board na mayroong nakasulat na alyas ng mga nai-rescue na therapist. (James I. Catapusan)