BANGKOK — Patay ang walong Buddhist monks habang mahigit 20 iba pa ang nasugatan matapos silang mabangga ng pickup truck na minaneho ng isang 11-anyos na batang lalaki habang nagsasagawa ng pilgrimage sa northeastern Thailand, ayon sa mga opisyal nitong Huwebes.
Naganap ang insidente sa lalawigan ng Mukdahan, kung saan bahagi ang mga biktima ng grupo ng 34 Buddhist monks at limang lay followers na naglalakbay mula sa isang templo sa Mukdahan patungo sa isa pang templo sa karatig-lalawigan ng Ubon Ratchathani, ayon kay Mukdahan Governor Vorayan Bunarat.
Lima sa mga monghe ang namatay sa pinangyarihan ng aksidente, habang tatlo pa ang nasawi sa ospital. Sugatan naman ang 22 monghe at isang layperson, kabilang ang apat na nasa kritikal na kondisyon.
“The driver, an 11-year-old boy with special needs, took the pickup truck from his family home and drove about 10 km [6 miles] before hitting the group of monks,” pahayag ni Major General Pairoj Thaiphutra, ang Mukdahan provincial police chief.
Wala pang isinasampang kaso ang pulisya habang patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang mga pangyayari sa likod ng aksidente, ayon kay Pairoj.
Hindi pa rin natatanong ng mga awtoridad ang bata dahil nananatili ito sa state of shock at hindi pa makapagbigay ng pahayag. RNT