Home HOME BANNER STORY 8 nasagip na crew ng sumabog na bangka sa Bajo de Masinloc,...

8 nasagip na crew ng sumabog na bangka sa Bajo de Masinloc, dumating na sa Zambales

MANILA, Philippines -Lulan ng BRP Sindangan ang walong crew ng FB Akio na dumating sa Subic Bay, Zambales nitong Lunes ng madaling araw, Hulyo 1 matapos na pagsabog ng makina nito sa karagatan ng Bajo De Masinloc noong Sabado.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), dalawa sa walong mangingisda ang nagtamo ng 1st degree burns dulot ng pagsabog at agad nilunasan at itinakbo rin agad sa James Gordon Hospital.

Sa larawan at video na ibinahagi ng PCG, makikitang unti-unting lumulubog ang motor banca habang ito ay hinahatak.

Sa hindi kalayuan ay bumubuntot naman ang dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) sa nasabing rescue operation.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, mabilis na tumugon sa pagresponde ang barko ng PCG sa pangyayari dahil naroon din ang presensya ng coast guard na nagsagawa ng rescue operations na may 17 nautical miles sa timog kanluran ng Bajo De Masinloc.

Sa inilalabas na impormaayon ng PCG, ang dahilan ng pagsabog ng makina ng bangka na ginagamit pangisda ay dahil problema sa baterya. Jocelyn Tabangcura-Domenden