MANILA, Philippines- Walong pulis ng Eastern Police District (EPD) ang sinibak sa pwesto makaraang mangikil ng pera sa dalawang Chinese nationals sa pagsasagawa ng kanilang illegal police operation sa Las Piñas City nitong Miyerkules, Abril 2.
Ayon kay EPD director P/Brig. Gen. Villamor Tuliao, nagsagawa ng police operation ang nabanggit na grupo ng mga pulis sa pamamagitan ng pagsisilbi ng arrest warrant laban sa dalawang Chinese nationals sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas City ng walang pahintulot sa pamunuan ng EPD at wala ring karampatang koordinasyon sa ibang ahensya ng kapulisan.
Napag-alaman din na ang mga naturang pulis na sangkot sa ilegal na police operation ay hindi rin gumamit ang mga ito ng body cameras habang nagsasagawa ng kanilang operasyon.
Sinabi ni Tuliao na kinikilan ng mga nabanggit na operatiba ang dalawang Chinese nationals ng halagang P12 milyon kapalit ng kalayaan ng mga ito.
Depensa naman ng mga suspek na pulis, ang P12 milyon ay suhol sa kanila at hindi nila pwersahang hiningi sa mga biktima.
Sabi pa ni Tuliao, ang nabanggit na halaga ay parte lamang ng P27 milyon na kinuha ng mga pulis sa vault kung saan tinangay din ng mga ito ang US$430,000; 110,000 Malaysian dollar; Gucci bag; Chinese Id card at bank card; iPhone 13; iPhone12; Bulgari necklace na nagkakahalaga ng P300,000; tatlong pirasong Rolex ladies’ watch na may halagang P3 milyon; dalawang Audemars Piguet men’s watch (P8 milyon); 600 gramong gold bar; anim na gold bracelets (P1 milyon); at 20 gold longevity locks (P2 milyon).
Kasalukuyang nakapailalim sa restrictive custody ang mga sangkot na pulis na nahaharap sa mga kasong criminal at administratibo. James I. Catapusan