MANILA, Philippines- Ipinagharap ng Department of Justice (DOJ) ng tax evasion case ang mga opisyal ng Ever Bilena Cosmetics Inc.
Kabilang sa mga kinasuhan sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 33 ay ang presidente ng Ever Bilena Cosmetics at ang treasurer nito, dahil sa hindi umano pagbibigay ng tamang impormasyon sa kanilang tax returns.
Batay sa imbestigasyon ng intensified Run After Fake Transaction (RAFT) Program ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ginamit umano at kumuha ang Ever Bilena ng ghost receipts na inisyu ng isang umano’y ghost company na Decarich Supertrade Inc.
“The use of ghost receipts had resulted in Ever Bilena’s over-stated expenses amounting to millions of pesos and lowered taxable income. Consequently, it failed to declare and pay the correct amount of tax due,” nakasaad sa resolusyon ng DOJ.
Una nang isinampa ng BIR ang kasong kriminal sa DOJ noong Pebrero 2024 laban sa Ever Bilena dahil sa utang nito sa buwis na umaabot sa ₱1.6 billion.
Sinabi naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na posibleng maglabas na anumang araw ang Quezon City MTC ng warrants of arrest laban sa mga sangkot.
“This is an affirmative step which clearly conveys the government’s unwavering commitment to intensifying the prosecution of tax evasion cases under the Bagong Pilipinas governance where a reasonable certainty of conviction exists,” ani Remulla. Teresa Tavares