Home NATIONWIDE Pangamba ng kakulangan sa pondo ng PhilHealth pinawi ni PBBM

Pangamba ng kakulangan sa pondo ng PhilHealth pinawi ni PBBM

MANILA, Philippines- Pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangamba at pag-aalala ng publiko hinggil kakulangan sa pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa katunayan aniya ay mas maraming serbisyo mula sa (PhilHealth) ang ginawang available sa publiko.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay makaraang tapusin na ng Korte Suprema ang kanilang oral argument kaugnay sa kontrobersyal na paglilipat ng P90 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury.

Kaugnay nito, inatasan ng kataas-taasang hukom ang lahat ng mga sangkot na partido na magsumite ng kanilang memorandum sa loob ng 30 araw.

Sinimulan ang nasabing oral arguments kaugnay sa usapin nuong Pebrero matapos maghain ng petisyon sa Supreme Court ang ilang grupo at indibidwal upang harangin ang paglilipat ng pondo.

Kasunod nito, naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema upang ipatigil ang paglilipat ng bilyong pisong pondo.

Nabatid nuong ikatlong araw ng oral argument, iminungkahi ni Associate Justice Antonio Kho Junior na dapat ibalik sa PhilHealth ang naunang P60 bilyong isinauli sa pamahalaan.

”Alam niyo po maraming nag-aalala dahil sinasabi wala ng pondo ang PhilHealth para tulungan ang mga may sakit sa atin. Ay hindi po totoo ‘yun,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa Trabaho at Serbisyong Pangkalusugan Sa Bagong Pilipinas Sa Rizal.

”Kung mararamdaman po ninyo, mula noong nakaraang isang taon, imbes na mabawasan ang mga serbisyo at ipambabayad ng insurance ng PhilHealth, ito po ay dumami pa. Mas lumaki ang pambayad sa insurance, mas marami pa ang serbisyo na ibinibigay ng PhilHealth,” ang pahayag pa rin ng Chief Executive.

Samantala, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng serbisyo ng PhilHealth sa mga manggagawa, tinukoy ang malaking gastos sa gamot.

Kaya nga tiniyak ng Pangulo na nandiyan ang PhilHealth para tulungan ang mga nangangailangan ng medical aid.

”Napakahalaga po niyan dahil po alam naman po natin, lalong-lalo na sa mga nagtatrabaho sa mga – na mga manggagawa eh bawal magkasakit,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

”At hindi lang sa dahil mawawalan ka ng income, ng kita mo dahil nawala ka sa trabaho ay napakamahal kung minsan magpagamot. Kaya’t nandiyan po ang PhilHealth at nandiyan po sila upang tanggapin lahat po ng impormasyon ninyo at ilalagay po nila sa kanilang data center at makakapagbigay po sila ng PhilHealth na ID,” dagdag na wika nito. Kris Jose