MANILA, Philippines – Makaraan ang apat na buwan na masusing imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni PMGen Anthony A. Aberin ay tinanggal sa serbisyo ang walong pulis na sangkot sa kontrobersyal na police operation sa Taguig na nag-viral sa social media nitong nakaraang Pebrero.
Ang imbestigayong administratibo ay isinagawa bunsod sa ipinost sa social media nitong nakaraang Pebrero 10, 2025 kung saan makikita ang mga sangkot na pulis sa hindi lehitimong operasyon sa isang pribadong bahay sa Taguig.
Nang sumunod na araw ay agad na umaksyon ang mga imbestigador ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Taguig City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa RIDMD-NCRPO para alamin ang katotohanan ng insidente kung saan kinunan ng sinumpaang salaysay ang mga biktima sa harap ng mga opisyales ng Barangay Napindan.
Sa isinagawang imbestigasyon ay napag-alaman na nangyari ang insidente ng Pebrero 9, 2025 kung saan puwersahang pinasok ng mga tauhan ng Substation 5 ng Taguig City police ang bahay ng mga biktima na walang ipinakitang anumang warrant, nang-abuso ng pisikal at di-umanoy tinangay ang mahigit ₱76,000 pati na rin ang ilang electronic devices.
Bukod pa dito ay pilit pang dinala ang mga biktima at puwersahang pinapipirma ang mga ito para sa hindi pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot na pulis.
Sa kadahilanan ng matinding alegasyon laban sa mga sangkot na pulis kabilang ang kanilang hepe sa substation ay agad itong dinis-armahan at ini-relieve sa kanilang mga posisyon kasabay ng pagsurender ng kani-kanilang mga PNP-issued IDs habang naghihintay sa resulta ng imbestigasyon.
Base sa inilabas na komprehensibong imbestigasyon at Disciplinary Authority ng NCRPO ay napatunayan na ang sangkot na Substation commander ay nararapat na managot sa pangyayari sa kasong Grave Neglect of Duty kung kaya’t napagkalooban ito ng isang ranggong demosyon.
Ang walong sangkot na pulis ay napatunayan rin na managot sa mga kasong Grave Misconduct, Less Grave Misconduct, at Conduct Unbecoming of a Police Officer na may kaukulang parusa na pagkatanggal sa kanilang serbisyo bilang mga pulis.
Napatunayan namang hindi nagkasala o sangkot ang isa pang pulis kung kaya’t naabswelto ito sa kasong kanyang kinahaharap.
“Pursuant to the strategic direction laid down by the Chief PNP, PGEN Nicolas Torre, the NCRPO will stand firm and uncompromising on ensuring police accountability within the ranks. Let it be known: there will be no second chances for police scalawags,” ani Aberin. James I. Catapusan