MANILA, Philippines – Nagkaloob ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng kabuuang ₱11.6 milyon na gantimpalang salapi sa walong impormanteng tumulong sa matagumpay na operasyon laban sa droga.
Sa seremonyang ginanap noong Mayo 22 sa PDEA headquarters sa Quezon City, pinangunahan nina PDEA Director General Isagani Nerez at mga miyembro ng Private Eye Rewards Committee ang pagbibigay ng pabuya. Nakatanggap ng tig-₱2 milyon ang apat sa mga impormante.
Dahil sa kanilang impormasyon, nasabat ng mga awtoridad ang halos 90 kilo ng shabu at naaresto ang ilang high-value targets sa Muntinlupa at Rizal noong Marso 2025.
Pinasalamatan ni Nerez ang mga impormante at hinimok ang publiko na maging mapagmatyag. “Sa literal na kahulugan, may kabayaran ang pagiging mapagmatyag,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng mamamayan sa pagsusulong ng “Bagong Pilipinas” sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT