ILOCOS SUR- Patay ang tatlong indibidwal samantalang walo ang iniulat na sugatan matapos na araruhin ng isang Honda CRV ang apat na motorsiklo, dalawang tricycle, isang Toyota Innova at isang Mitsubishi Strada sa national highway sa Brgy. San Nicolas, Candon City ng lalawigang ito kahapon, Pebrero 16.
Kinilala ang driver ng Honda CRV na si Louie Garnace y Ganon, 57, walang asawa, city employee, residente ng Brgy. San Isidro ng naturang lungsod.
Kasama nito sa loob ng naturang sasakyan ang isang lalaki, nasa legal na edad, kalugar ng driver.
Ang apat na motorsiklo ay kinabibilangan ng kulay pulang Rusi 125 motorcycle na minamaneho ng hindi pa nakikilalang driver; Honda Black Airblade motorcycle na minamaneho ng isang 55-anyos na lalaki, may asawa, residente ng Brgy. Bagani Ubbog, Candon City; Skygo motorcycle na minamaneho ng 28-anyos na lalaki, walang asawa, residente ng Brgy. San Nicolas, Candon City, Ilocos Sur; at, Motorstar motorcycle na minamaneho ng 32-anyos na lalaki, walang asawa, residente rin ng Brgy. San Nicolas, Candon City.
Base naman sa rekord ng pulisya, ang dalawang tricycle ay may body number na 1002 at 2024.
Minamaneho ng isang 34-anyos na lalaki na residente ng Brgy. San Nicolas, Candon City ang tricycle na may body number na 1002 samantalang ang tricycle na may body number na 2424 naman ay minamaneho ng isang 55-anyos na lalaki, may asawa, residente ng Brgy. Talogtog, Candon City.
Nakasakay din sa tricycle na may body number na 2424 ang isang 24-anyos na lalaking pasahero na residente ng Brgy. Darapidap, Candon City, Ilocos Sur.
Nabatid na ang Toyota Innova ay minamaneho ng isang 21-anyos na babae, college student, walang asawa, residente ng Brgy. Arangin, Sta. Lucia, Ilocos Sur samantalang ang Mitsubishi Strada naman ay minamaneho ng 44-anyos na lalaki, foreman, may asawa, residente ng Brgy. Villa Laurencia, Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang mga nabanggit na sasakyan maliban sa Mitsubishi Strada na naka-park sa harap ng Candon City Hospital ay papunta lahat sa timog na direksyon.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, binangga ng Honda CRV ang Rusi motorcycle at ang Honda Black Airblade.
Dahil sa lakas ng impak, tumama ang Honda Black Airblade sa tricycle na may body number na 1002.
Dumiretso naman ng takbo ang Honda CRV hanggang sa mabangga nito ang Skygo motorcycle, tricycle na may body number na 2424, Motorstar motorcycle, Toyota Innova, at ang nakaparadang Mitsubishi Strada.
Sa naturang aksidente ay lima ang nasa kritikal na kondisyon kasama na ang driver ng Honda CRV.
Hindi naman nakaligtas ang kasama ng driver na nakasakay sa Honda CRV pati na ang driver ng Rusi motorcycle at ang driver ng Skygo motorcycle.
Isa sa mga nasaktan sa naturang insidente isang 63-anyos na pedestrian na residente ng Brgy. San Nicolas, Candon City, Ilocos Sur.
Lumalabas sa imbestigasyon na nasa impluwensya ng alak ang driver ng Honda CRV nang mangyari ang insidente. Rolando S. Gamoso