Home METRO 8 short film sa Manila Film Fest 2024 inanunsyo na

8 short film sa Manila Film Fest 2024 inanunsyo na

MANILA, Philippines – BILANG bahagi ng selebrasyon ng Araw ng Maynila sa Hunyo, lumagda sa isang kasunduan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Kreativeden Entertainment kaugnay sa pag-organisa ng The Manila Film Festival (TMFF).

Pinangunahan nina Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna Pangan, Chairperson ng TMFF, Kreativeden Entertainment CEO Kate Villanueva, TMFF Director Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto at Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) Director Charlie Dungo ang paglagda na ginanap sa Bulwagang Antonio Villegas.

Ayon sa alkalde, tampok sa gaganaping festival ang katangi-tanging pelikulang nilikha ng mga kabataang estudyante mula sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa buong bansa na binigyan ng pagkakataong paunlarin ang kanilang talino sa paggawa ng pelikula.

Kasabay din ng paglagda ang pagsasapubliko ng walong napiling finalist mula sa 69 na nagsumite ng kanilang nilikha at makatatanggap ng production grant na P150,000 para tumulong sa kanilang paggawa ng pelikula.

Kabilang na dito ang “Happy (M)others Day ni Ronnie Ramos, Bahay, Baboy, Bagyo, ni Mike Biong na kapwa mula sa University of the Philippines Film Institute; An Kuan ni Joyce Ramos ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila; Three for 100: o ang tamang porma ng pag-uukay at iba pang mga bagay-bagay I think ni Cedrick Labadia ng iAcademy; Ditas Pinamalas ni Adrian Renz Espino ng Adamson University; Pinilakang Tabingi ni John Pistol Carmen ng Bicol University; Una’t Huling Sakay ni Vhan Marco Molacruz ng Colegio San Juan de Letran; at Ballad of a Blind Man ni Charlie Vitug ng College of Saint Benilde.

Sinabi ni Mayor Honey na hindi tulad noong nakaraang taon na full length movie na nilikha rin ng mga estudyante ang kalahok sa festival, magiging short film lamang na tatagal ng 20-minuto ang mga kalahok ngayon.

Bukod sa mga nilikha ng mga estudyante, magiging tampok din sa TMFF ang apat na short films na nilikha naman ng mga respetadong filmmakers kabilang sina Dwein Baltazar (Third World Romance), JP Habac, Jr. (Im Drunk I Love You), Sigfrid Andrea Bernardo (Kita-Kita), at Pepe Diokno (Gomburza).

Isasagawa sa Hunyo 4 sa Metropolitan Theater ang premiere ng mga pelikula pati na ang awards night habang isasagawa ang pagpapalabas sa mga sinehan sa Hunyo 5 hanggang Hunyo 11. JAY Reyes