Home METRO Lalaking tuliro nailigtas matapos umakyat sa poste ng kuryente

Lalaking tuliro nailigtas matapos umakyat sa poste ng kuryente

MANILA, Philippines – KAWALAN ng pag-asa sa buhay ang nag-udyok sa isang 39-anyos na lalaki upang akyatin ang tuktok ng poste ng kuryente kahapon sa Navotas city.

Batay sa report na nakalap, nakilala ang lalaki na si Arnold Maturgo Bacal, construction worker at naninirahan sa Brgy.Pasinaya, Naic, Cavite.

Alas-2:30 ng madaling -araw nang simulang akyatin ni Bacal ang poste ng Meralco sa M. Naval St., sakop ng brgy Sipac Almace, sa nasabing lungsod.

Nang mapansin ito ng ilang residente roon, agad na humingi ng rescue sa navotas police at BFP upang pababain si Bacal.

Ilang oras din ang umabot nang pakikipagnegosasyon ng mga awtoridad kay Bacal upang boluntaryo itong mapababa mula sa poste subalit panay naman ang tanggi nito .

Halos pasikat na ang araw nang makahanap ng ng tyempo ang mga rescuer at nagawang mahawakan si Bacal at matagumpay na nailigtas ito.

Sa panayam kay Bacal, lasing umano siya at dating gumagamit ng iligal na droga kaya’t malakas ang loob niya na akyatin ang poste.

Ibinunyag din nito na nasangkot na siya iba pang krimen sa Bataan kaya’t nahihirapan siyang makakuha ng trabaho.

Aniya, nagawa lamang niyang umakyat sa poste dahil sa suliraning pinansyal kung saan aniya hirap siyang tustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya.

Matapos sumailalim sa physical at medical examination, dinala sa himpilan ng pulisya si Bacal at nahaharap sa kasong alarm and scandal. (Merly Duero)