MANILA, Philippines – Nalambat sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Unit-National Capital Region (CIDG-NCR) ang isang lalaki at pito pang kasabwat dahil sa pangongotong na nagpakilala pang malapit umano kay First Lady Lisa Araneta-Marcos, Martes, Marso 12 sa Pasay City.
Ayon kay CIDG-NCR chief P/Lt. Col. Jose Joey Arandia, nagpakilala ang mga suspek sa kanilang biniktima na sila ay mga opisyal ng gobyerno na konektado sa Unang Ginang kung saan ay tinatakot pa nito ang mga bibiktimahing negosyante na ipasasara ang negosyo kapag hindi nagbigay ng ‘parating’ sa First Lady.
Nauna rito ay sinabi ni Arandia na sa natanggap na pananakot ng biktima mula sa mga suspek ay nakipag-ugnayan sa kanila ang negosyante at matapos na maibigay ang impormasyon sa kanila ay agad naman silang nakipag-ugnayan sa ilan na naunang nabiktima at sa tanggapan ng First Lady na nagbigay naman ng basbas para magsagawa ng entrapment operations.
Matapos magbigay ng go-signal ang tanggapan ng First Lady, ay agad na ikinasa ng mga tauhan ng CIDG-NCR ang entrapment operation sa isang restaurant sa Pasay kung saan naaresto ang mga suspek matapos maiabot at tanggapin ng kausap ng biktima ang dalawang bulto ng pera.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG-NCR ang mga suspects na nahaharap sa kasong robbery/extortion sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan