Home NATIONWIDE Posibleng gas hydrates sa Manila Trench nadiskubre ng UP geologists

Posibleng gas hydrates sa Manila Trench nadiskubre ng UP geologists

MANILA, Philippines – Nadiskubre ng mga geologist mula sa University of the Philippines (UP) ang posibleng deposit ng gas hydrates sa kailaliman ng Manila Trench na posibleng magamit bilang alternative energy resource ng bansa.

Ang gas hydrates ay isang ice-like substances na karaniwang nabubuo sa seafloor, kung saan mataas ang pressure nito at ang temperatura ay mababa pa sa freezing point ng tubig na 0°C.

Naglalaman ito ng dalawang beses na dami ng carbon na nasa reserves ng coal, oil, at conventional natural gas, na ‘potentially viable power source’ ayon sa United States National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA).

Para matukoy ang mga posibleng lokasyon, gumamit ng sound waves sina Elisha Jane Maglalang, Dr. Leo Armada, Madeleine Santos, Karla May Sayen, at Dr. Carla Dimalanta ng UP Diliman College of Science National Institute of Geological Sciences para matukoy sa mapa ang seismic reflections ng gas hydrates na tinatawag na bottom-simulating reflectors (BSRs).

Ayon sa mga researcher, ang kabuuang lawak na 15,400 square kilometers sa trench, o kasinlaki ng Palawan, ay naglalaman ng gas hydrates.

Tinatayang ang mga ito ay 200 hanggang 500 metro sa ilalim ng seafloor.

“The western Philippines has vast potential for this unconventional energy resource,” sinabi ng UP geologists.

Sa kabila nito, nagbabala ang mga researcher sa posibleng geological at environmental threats ng gas hydrates.

Ang mga natutunaw na gas hydrates ay posibleng magdulot ng seafloor disturbances na magreresulta sa underwater landslide at tsunami.

Dagdag pa, makakaapekto rin sa kapaligiran ang malaking bilang ng carbon at methane.

Nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon sa iba pang offshore na lugar sa bansa upang mapalawak ang kanilang
geophysical dataset at mapangunahan ang hakbang para paunlarin pa ang marine geophysics sa bansa.

“Future drilling of offshore targets will be instrumental in confirming methane hydrate occurrence. These investigations offer a vital opportunity to develop our indigenous energy wealth,” ayon sa UP researchers.

“These efforts will contribute not only to the advancement of scientific knowledge but also to the development of the expertise of Filipino geoscientists in marine geophysics,” dagdag pa niya. RNT/JGC

Previous article8 suspek na nagpanggap na konektado sa First Lady, timbog sa pangongotong
Next articleAmnesty sa ilang dating miyembro ng CPP-NPA-NDF, pinagtibay ng Senado