Home NATIONWIDE 8 unprogrammed funds sa NEP, naging 51 sa GAA 2024

8 unprogrammed funds sa NEP, naging 51 sa GAA 2024

MANILA, Philippines – Nadagdagan ng 43 pang items na nagkakahalaga ng P449.5 bilyon ang unprogrammed funds sa General Appropriations Act na ipinasa ng Kongreso at pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay mas mataas mula sa walong items na nagkakahalaga ng P281.9 bilyon na unprogrammed appropriations sa National Expenditure Program para sa 2024, o badyet na ipinanukala ng executive branch.

Nagdala ito sa kabuuang 51 na unprogrammed appropriations na nagkakahalaga ng P731.4 bilyon sa GAA para sa 2024, tumaas ng 60%.

Sa depinisyon ng Department of Budget and Management, ang unprogrammed appropriations ay mga bagong alokasyon na magiging available lamang kung magkakaroon ng sobrang kita ang pamahalaan, bagong revenue sources, o aprubadong bagong loans para sa foreign-assisted projects.

Dahil dito, kinwestyon nina Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III at Albay Rep. Edcel Lagman ang constitutionality ng pagtaas sa unprogrammed allocations sa GAA para sa 2024, mula sa inirekomenda ng executive branch sa NEP.

Sinabi nina Pimentel at Lagman na sa Article VI, Section 25 ng Constitution, “The Congress may not increase the appropriations recommended by the President for the operation of the Government as specified in the budget.”

Sa kabila nito, sinabi ng DBM na ang unprogrammed appropriations ay “standby appropriations, outside the approved government fiscal program, which serve as an important tool for the government to address unforeseen expenditures and prioritize essential programs and projects.” RNT/JGC

Previous articleBabae pinugutan ng ulo, iniregalo ng suspek sa kainuman
Next articlePatay sa Japan quake, tumaas sa 73