MANILA, Philippines – Patay sa karumal-dumal na krimen ang isang 65-anyos na babae sa sariling tindahan sa Agusan del Sur.
Ito ay matapos na pagtatagain, at pugutan ng ulo ang biktima. Ang suspek, dinala pa ang ulo at iniregalo sa kanyang mga kainuman.
Ayon sa ulat, nangyari ang krimen sa Barangay Cayanugan, Bayugan City nitong Martes ng tanghali, Enero 2.
Sa imbestigasyon, nakikipag-inuman ang mala-demonyong 48-anyos na suspek na si Mario Fortun bago gawin ang krimen.
“Bigla siyang [suspek] umalis, nag-iwan ng salita sa mga kainuman na, ‘Gusto niyo ng regalo? Kasi bibigyan ko kayo sandali lang.’ Pumunta siya sa bahay ng victim, pumasok siya sa tindahan which is doon lang din ang bahay ng victim. May dala-dala siyang bolo, tinaga, at ayun na, pinugutan ng ulo ang victim,” pagbabahagi ni Police Lieutenant Colonel Shalom Faye Cornelio, hepe ng Bayugan Police Station.
Mag-isa lamang umano sa tindahan ang biktima nang mangyari ang krimen.
“Bumalik siya [suspek] sa farmer’s building, dala-dala niya ang ulo at sabi niya, ‘Andito na ang regalo ko sa inyo,” dagdag pa ni Cornelio.
Napag-alaman na mayroon palang alitan ang suspek at ang biktima.
“Konting alitan lang dahil sa bulaklak ng victim, sagabal daw sa dinadaanan ng suspek. Nagalit ang suspek ang bulaklak [ng victim] may mga tinik. In response sinabihan daw [ni victim] si suspek na magnanakaw,” ani Cornelio.
May dati nang kaso ang suspek dahil sa illegal na droga. Sumailalim na si Fortun sa drug test upang malaman kung lango ito sa droga nang gawin ang krimen. RNT/JGC