COTABATO CITY, Philippines – Hindi bababa sa walong katao ang nasawi at 13 iba pa ang kritikal na nasugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang mini-dump truck sa bayan ng Lebak, lalawigan ng Sultan Kudarat, nitong Miyerkules ng hapon, Agosto 6.
Sinabi ni Lieutenant Jasper Garcia, Lebak police deputy chief, naganap ang aksidente dakong alas-5:30 ng hapon habang ang mga biktima ay patungo sa Cotabato City mula sa Barangay Poloy-Poloy, kung saan sila dumalo sa isang Muslim pre-nuptial gathering.
Sakay ang mga biktima sa isang asul na mini-dump truck (license plate MAT 1126) na ginawang pampasaherong sasakyan nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Alvin Adam, 38, habang umiiwas sa mga harang sa kalsada sa kahabaan ng Highway 70 sa Barangay Christianuevo, Lebak.
Sinabi ni Garcia na ang lahat ng mga biktima ay mga residente ng Barangay Senditan, bayan ng Sultan Kudarat, lalawigan ng Maguindanao del Norte.
Isinugod ng mga rescuer mula sa municipal disaster risk reduction and management office ang mga biktima sa South Upi municipal hospital.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Moner Abdulla, Todz Mamintal, Marinaya Nailan, Babylyn Sahipa, Alling Sahipa, Mohammad Digan, Mohammad Macarimbang, at Mando Saliāna pawang idineklarang dead on arrival sa South Upi municipal hospital.
Ang iba pang mga sugatang biktima ay dinala sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City. RNT/MND