MANILA, Philippines – Pababalikin na sa China ang mahigit 80 Chinese POGO workers na nahuli sa POGO hub sa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac.
Sa pinakahuling ulat ng Presidential Anti- Organized Crime Commission (PAOCC), nakatakda ang deportation ng nasa 88 Chinese workers na naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal POGO operation sa dalawang bayan.
Mula sa isang gusali sa Pasay ay isinakay sa bus ang mga nahuling POGO worker patungo sa Ninoy Aquino International Airport.
Mula rito ay ililipad ang mga ito patungong Shanghai, China.
Kalahati sa mga manggagawa ay dadalhin sa Pudong, China habang ang iba ay isasakay ng isang chartered flight mula Shanghai patungong Xi’an.
“Yung kalahati dadalhin sa Shanghai, iyon po yung galing ng Bamban. Doon po sila kinasuhan ng China eh. Yung kalahati naman, papunta ng Xi’an, China. Yun yung [workers] na galing ng Porac, Pampanga,” pahayag ni Winston Casio, tagapagsalita ng PAOCC, sa panayam ng ABSCBN News.
Sasamahan ang mga ito ng apat na opisyal mula sa PAOCC, kasama ang dalawang tauhan mula sa Bureau of Immigration, dalawa mula sa justice department, at dalawa mula sa police Criminal Investigation and Detection Group.
Isa sa mga problemang kinakaharap ng PAOCC ay ang kakulangan ng mga dokumento ng ilang mga naaresto nila dahilan para hindi agad mapabalik ang mga ito sa kanilang bansa.
Bubusisiin din ang insidente kung saan nagkakaroon ng hold departure order ang ilang POGO workers dahil sa mga isinasampang bagong kaso.
Posibleng modus umano ito para hindi sila maipadeport.
“Yung ibang mga kasamahan siguro nila, kinakasuhan sila para hindi natin sila ma-deport. Cleared na sila the other week. Then all of a sudden, biglang hindi na naman sila cleared,” pagbabahagi ni Casio.
“Yan yung mga kinakasuhan nila yung mga sarili nila para magkaroon ng hold departure orders,” dagdag pa niya.
Sa ngayon ay mahigit 1,700 illegal POGO workers na ang naipadeport ng PAOCC.
May mahigit 300 pa na kailangang mapauwi sa China. RNT/JGC