MANILA, Philippines – Hindi nagpiyansa si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa graft charges na inihain sa Capas, Tarlac Regional Trial Court Branch 109, ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Roberto Ancan nitong Biyernes, Setyembre 6.
Inisyu ang commitment order para sa detention ni Guo sa Philippine National Police Custodial Center sa Quezon City.
“May commitment order sa PNP custodial center. Di siya nag-bail. I’m waiting for the copy (of the order),” ani Ancan.
Ngayong araw, dinala si Guo sa Capas, Tarlac regional trial court bilang tugon sa warrant of arrest na inisyu laban sa kanya nitong Huwebes.
Dahil dito, sinabi ni Ancan na kailangang magrequest ang Senate committee on women, children, family relations, and gender equality sa korte na payagan ang pagdalo ni Guo sa imbestigasyon ng Senado sa kaugnayan nito sa POGO operations sa Bamban, Tarlac sa Lunes.
“Request na lang ng committee siguro her presence during the hearing,” aniya.
Sa kabila nito, iginiit ni Senator Risa Hontiveros, chairperson ng Senate panel, na dapat ay nasa kustodiya ng Senado si Guo.
Ipinunto ng senador na ang arrest order mula sa Senado ay inisyu bago pa naglabas ng warrant of arrest ang Tarlac court. RNT/JGC