MANILA, Philippines- Halos 80 Chinese ang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagtatrabaho sa isang pabrika sa Bulacan nang walang kaukulang mga dokumento.
Naglunsad ng operasyon ang NBI Bulacan District Office matapos makatanggap ng ulat hinggil sa mga dayuhang nagtatrabaho sa isang pabrika sa Bulacan.
Sa operasyon ng Bureau of Immigration (BI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), kinuha ng NBI ang kustodiya ng mga undocumented na empleyado, empleyadong nagtatrabaho sa ilalim ng tourist visa, at anim na opisyal ng kompanya.
Sinabi ng NBI na kakasuhan nito ang sinumang kumuha sa mga dayuhan at makikipag-ugnayan ito sa BI sa imbestigasyon kung paano nakarating sa bansa ang mga dayuhan.
“Nakakaalarma… Una, maaaring itong corporation ay legitimate but then they are employing Chinese people na pwede naman ang Pilipino, so napre-prejudice ang ating mga Pilipino kasi isa sa mga reason kung bakit pwede magemploy ng foreigner ay kapag di kaya ng Filipino skill, but then nakita namin gumagawa lang ng mga malalaking pipe. Bakit naman kailangang foreigner pa? They will be held answerable… Hindi humihinto ang ating mga operatiba sa pagmamanman sa ganitong mga klaseng kumpanya,” sabi ni NBI Director Jaime Santiago.
Sinabi naman ni NBI Bulacan chief Atty. Emilio Santos, ang mga biktima ay posibleng trafficked sila dahil undocumented sila sa Pilipinas.
Dinala sa NBI headquarters ang mga dayuhan para sa kaukulang proseso. Jocelyn Tabangcura-Domenden