MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya sa Hong Kong ang mga opisyal ng Prestige Construction dahil sa kasong manslaughter matapos ang pinakamalubhang sunog sa lungsod sa halos 80 taon, na kumitil ng 83 katao at nag-iwan ng humigit-kumulang 300 na nawawala.
Kumalat ang apoy sa Wang Fuk Court housing complex sa Tai Po, na noon ay sumasailalim sa renovation at nakabalot sa bamboo scaffolding at green mesh.
Mahigit isang araw na nakipaglaban ang mga rescuer sa matinding init at usok habang hinahanap ang mga residenteng posibleng na-trap sa itaas na palapag.
Sinabi ng pulisya na ang mga naarestong direktor at isang engineering consultant ay pinaghihinalaang gumamit ng hindi ligtas na materyales.
Ayon kay police superintendent Eileen Chung, “We have reason to believe that the company’s responsible parties were grossly negligent.” Nakuha ng mga awtoridad ang mga dokumento, computer at cellphone mula sa opisina ng kumpanya.
Umabot na sa 83 ang kumpirmadong nasawi—ang pinakamalubhang sunog sa Hong Kong mula 1948.
Ilang residente ang nagpalipas ng gabi sa loob ng mall o sa mga tent sa labas ng mga tindahan, upang bigyang-daan ang evacuation centers para sa mga higit na nangangailangan.
May mahigit 4,600 residente ang complex na binubuo ng walong gusali, na bahagi ng government-subsidized homeownership scheme. Hinimok naman ni President Xi Jinping ang isang “all-out effort” upang mabawasan pa ang bilang ng casualties. RNT