Home METRO Tatay patay sa pag-aamok ng anak; kapitbahay damay!

Tatay patay sa pag-aamok ng anak; kapitbahay damay!

MANILA, Philippines – Nag-amok ang isang 23-anyos na lalaki dahilan para itakin nito ang sariling ama at isa pang matandang kapitbahay sa Oslob, Cebu.

Ang insidente ay nangyari umaga ng Biyernes, Pebrero 21, sa Barangay Luka.

Nasawi sa nangyaring pag-aamok ang 70-anyos na tatay nito, at 75-anyos na kapitbahay.

Nagtamo naman ng sugat sa kamay at paa ang suspek matapos na paputukan ng rumespondeng mga pulis. Sinubukan din kasing atakehin ng suspek ang mga awtoridad.

Walang tugon ang suspek sa pangyayari.

Sa ulat, nagkaroon umano ng argumento ang suspek at ama nito bago ang nangyaring pang-iitak.

Dito na nakita na bumunot ang suspek ng bolo.

Napag-alaman ng pulisya na ang suspek ay sangkot din pala sa mga kakaibang gawain gaya ng pagpatay sa mga hayop bilang alay.

Samantala, kinumpirma ng mga awtoridad na hindi kasama sa drugs watchlist ang suspek.

“Hindi siya drug personality, wala din siya sa listahan ng drug list natin. Talagang ganito lang talaga, ang background niya kapag umatake ang problema niya sa pag-iisip. May sinasabi siya sa atin na meron siyang paniniwala na merong nagdidikta sa kanya. May bumubulong sa kaniya, to do this,” ayon kay Police Major Jude Cebrero, hepe ng Oslob Municipal Police Station. RNT/JGC