MANILA, Philippines – Patay ang isang 17-anyos na dalagita matapos itong pagbabarilin ng 59-anyos na umano’y kasintahan, sa Barangay San Agustin, Trece Martires, Cavite.
Natagpuan na lamang ng mga residente ang bangkay ng biktima na may mga tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.
Ayon kay Trece Martires police chief PLtCol. Orlando Carag, ang menor de edad ay residente ng naturang lugar at ilang metro lamang ang layo ng bahay mula sa crime scene.
“Iyong layo po ng crime scene sa tinitirhan ng magulang ng victim ang tantya ko ay 10 meters lang. So napakalapit po dun sa crime scene. But ang sabi ng pinaka-nearest house dun kung san nangyari ang pamamaril ay may narinig silang nagtatalo,” ani Carag, s panayam ng ABSCBN News.
“So a minute after that pagtatalo ay nakarinig sila ng parang pinukpok then eventually nalaman sa CCTV ng house binaril na nga,” dagdag pa niya.
Sa kuha ng CCTV, nakitang naglalakad ang biktima nang pagbabarilin ng lalaki, madaling araw ng Miyerkules.
Natumba ang biktima saka nilapitan ng suspek at malapitang pinagbabaril.
Sa mas marami pang kuha ng ibang CCTV, hinatid pa ng suspek ang biktima sakay ng motorsiklo, pauwi sa bahay nito.
Naaresto ang suspek sa ikinasang follow-up operation ng pulisya.
“Doon po sa pag backtrack natin ay nakita namin yung direction ng exit niya is going dun sa area ng northern part so inalam namin kung san nakatira yung posible suspek natin…So pinuntahan namin sa apartment niya sa Rosario, Cavite. So nandoon siya and doon namin siya naaresto. Kung ano suot niya dun sa CCTV yun din na-retrieve namin yung motor, helmet pati jacket,” pahayag ni Carag.
Bagamat hindi inamin ng suspek kung ano ang relasyon nila ng biktima ay hinihinala ng pamilya nitong magkasintahan ang dalawa dahil may pagkakataon na natutulog ang biktima sa bahay ng suspek.
Selos ang isa sa tinitingnang anggulo ng mga awtoridad.
“Yung victim ay pumupunta doon sa bahay nila minsan dun natutulog, minsan doon kumakain, and minsan inaabutan niya ng pera. Then according to the brother of the victim, ay alam nila na may ibang younger guy na nanliligaw dun sa victim so ang assessment ko nagselos dahil may edad na eh (yung suspek),” ani Carag.
Dati nang inireklamo ang suspek dahil sa pananakit nito sa biktima.
“Yung formal case na file sa court na involving the victim and the suspect ay wala. Pero sa barangay, series of cases na yung finile nung family ng vicitim dahil sa violence. Even the older brother ay nasuntok na ng suspek so may mga record na sila sa barangay.” RNT/JGC