MANILA — Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga health worker na magsagawa ng “house-to-house campaign” laban sa leptospirosis matapos sumirit sa 89 ang bagong kaso ng sakit sa lungsod nitong Agosto 26.
Imbes na hintayin ang mga pasyente sa mga health center, inatasan ni Yorme Isko ang mga health worker na sila mismo ang mag-ikot sa mga barangay para hanapin ang mga residenteng posibleng nalusong sa baha at nakararanas ng sintomas ng leptospirosis.
Kasunod ito ng matinding pagtaas ng kaso matapos ang pagbaha na dulot ng pinalakas na Habagat noong Agosto 17 at 18.
Sa datos ng Manila Health Department, mula sa 11 kaso noong Agosto 20, umakyat ito sa 22 noong Agosto 21, 11 noong Agosto 22, 10 noong Agosto 23, 16 noong Agosto 24, 38 noong Agosto 25 at biglang sumirit sa 89 kaso nitong Agosto 26.
Sa loob lamang ng isang linggo, umabot na sa 197 ang bagong kaso.
Mas nakababahala, limang pasyente na ang nasawi ngayong linggo—isa noong Agosto 24, dalawa noong Agosto 25 at dalawa pa noong Agosto 26.
“Taos-puso akong nakikiramay sa limang pamilya ng mga sumakabilang-buhay ngayong linggo,” pahayag ng alkalde.
Ayon kay Domagoso, posible pang dumami ang kaso dahil umaabot sa dalawang linggo ang incubation period ng leptospirosis.
Ibig sabihin, ang mga nalusong sa baha noong Agosto 17 at 18 ay maaari pa lamang ngayon makaramdam ng sintomas.
Samantala, inanunsyo ni Yorme Isko sa kanyang Talk to the People na mayroon nang 389,000 kapsula ng doxycycline ang Maynila para sa mga residenteng na-expose sa baha.
Malaking dagdag ito mula sa 51,000 kapsulang natitira noong Agosto 24 matapos makatanggap ang lungsod ng 40,000 kapsula mula sa pribadong sektor at 300,000 mula sa Department of Health (DOH).
Libre ito at maaaring makuha sa 44 health center at pitong district hospital ng Maynila.
Hinimok ng alkalde ang mga residenteng nalusong sa baha na agad magpakonsulta at kumuha ng kinakailangang gamot kahit wala pang nararamdamang sintomas.
Kaugnay nito, halos doble na sa kapasidad ang emergency room ng Ospital ng Maynila.
May kapasidad itong 40 kama ngunit umabot sa 69 pasyente ang nasa ER nitong Miyerkules ng umaga.
Para maibsan ang siksikan, binuksan na rin ng lungsod ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) sa Sta. Ana Hospital na may 17 kama para sa mga pasyenteng may leptospirosis kung saan ampu na rito ang okupado.
Inatasan din ni Yorme Isko ang iba pang city hospitals na magbukas ng karagdagang mga ward para matanggap ang patuloy na pagdagsa ng mga pasyente.
Paalala ng alkalde, bantayan ang mga sintomas gaya ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at pamumula ng mga mata.
Agad aniyang magpatingin at huwag hintaying lumala ang kondisyon.
“Huwag ninyong panghinayangan ang kikitain ninyo sa trabaho. Pera lang iyan. Balewala ang lahat kapag huli na ang lahat,” giit ni Domagoso. JAY Reyes