Home NATIONWIDE 8th PH Space Council meeting pinangunahan ni PBBM

8th PH Space Council meeting pinangunahan ni PBBM

SA pagdiriwang ng Philippine Space Week, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 8th Philippine Space Council (PSC) meeting kung saan ipinabatid sa kanya ang mga naunang direktiba ukol sa ‘development at utilization’ ng ‘space science at technology’ sa bansa.

Bago pa ang naturang pulong na isinagawa sa Libis, Bagumbayan, Quezon City, nagkaroon na si Pangulong Marcos ng isang brief run-through ng iba’t ibang programa ng Philippine Space Agency na ipinresenta nina PhilSA Director General Joseph Marciano Jr. at PhilSA Deputy Director General Gay Jane Perez.

Ipinresenta rin sa Pangulo, tumatayong chairman ng PSC, ang replika ng Multilateral Unit for Land Assessment (MULA) satellite at Pandora instruments na gagamitin para sa air quality measurement.

Ang MULA Satellite ay dinevelop sa United Kingdom ng 16 na Filipino engineers na dineploy ng PhilSA. Ang satellite ay inaasahan na ilulunsad sa Estados Unidos sa loob ng Oktubre ng taong 2025 hanggang Marso 2026 gamit ang SpaceX Transporter-16.

Sa naging direktiba ng Pangulo sa ‘development at utilization’ ng space science at technology, nilagdaan ng PhilSA ang partnership at pakikipagtulungan sa mga space agencies ng ilang bansa kabilang na ang Japan, United Kingdom (UK), France, South Korea, at Estados Unidos.

Nakatanggap din ito ng apat na Pandora instruments para sa air quality measurement, at namahagi ng 59,455 satellite images at mapa. Pinirmahan din nito ang 12 space data mobilization agreements kasama ang mga ahensiya ng gibyerno mula July 2022 hanggang June 30, 2024.

Inilunsad naman ng ahensiya ang Space Data Dashboard, isang sistema ng geospatial data at information accessible sa publiko.

Samantala, dumalo naman sa pulong sina Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum Jr., Department of Finance Secretary Ralph Recto, Department of Information and Communications Technology Secretary Ivan Uy, at Department of Trade and Industry Acting Secretary Ma. Christina Aldeguer-Roque.