Home NATIONWIDE SIM registration law, aamyendahan sa Senado: ‘Palalakasin vs scam’

SIM registration law, aamyendahan sa Senado: ‘Palalakasin vs scam’

MANILA, Philippines – Planong amyendahan ng isang senador ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Law kasunod ng malawakang paggamit ng (SIM) card ng ilang suspek na nandadaya at scammers sa social media.

“Marapat lang sa gobyerno na protektahan ang ating mga kababayan mula sa anumang pinsalang dulot ng mga mapanlinlang na aktibidad ng mga cybercriminal, kabilang na ang mga operasyon ng POGO na nagsisilbing mga scam hub upang gumawa ng mga krimen,” ayon kay Senador Win Gatchalian.

Aniya, may posibilidad na maglipana pa rin ang mga POGO nang patago sa kabila ng total ban.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangang tukuyin ang mga indibidwal o organisasyon na nagbibigay-daan sa paggamit ng mga rehistradong SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO upang matulungan ang mga mambabatas na suriin at palakasin ang batas at patakaran, kabilang ang posibleng amendment sa SIM Registration Law.

Kabilang sa posibleng amendment ay ang paglilimita sa bilang ng mga pinapayagang SIM na maaaring irehistro sa bawat user at pagre-regulate ng Short Message Service (SMS) marketing, promotional, political o fundraising na ipinapadala sa pamamagitan ng mga SIM.

Ang Republic Act 11934 o ang SIM Registration Act, na nilagdaan noong Oktubre 2022, na naglalayong hadlangan ang paggamit ng SIM-related technology sa iba’t ibang ilegal o scamming activities.

Gayunpaman, sa kabila ng pagsasabatas ng panukala, marami pa ring mga natutuklasang nakarehistrong SIM, cellphone, computer, at pocket Wi-Fi device, lalo na sa mga operasyon ng POGO na sangkot sa iba’t ibang anyo ng online scam, tulad ng love scam at cryptocurrency scam.

Nagiging sanhi ito ng pagkalugi sa biktima.

Sa kabila ng direktiba ng Pangulo na ipagbawal ang lahat ng POGO sa bansa, sinabi ng mambabatas na kailangan pang tugunan ang paggamit ng rehistradong SIM sa ilegal na operasyon ng POGO na nagbibigay-daan sa money laundering, cybercrime, at iba pang scamming activities.

Nauna nang inihain ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means ang Senate Resolution 1054 na naglalayong imbestigahan ang paggamit ng SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO.

Binanggit ng senado ang pagsalakay sa POGO hubs sa Bamban, Tarlac; at Porac, Pampanga, na nakarekober ng maraming SIM, kasama ang ilang cellular phone at digital device, na ginamit para magsagawa ng mga mapanlinlang na transaksyon. Ernie Reyes