MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang siyam na Chinese national at isang Pinoy sa raid sa umano’y large-scale illegal mining site sa Barangay Lobo, Cantilan, Surigao del Sur.
Narekober ang heavy equipment at mining paraphernalia sa tatlong natukoy na site na pinaniniwalaang ginagamit sa illegal na pagkuha ng mineral resources.
Umabot naman sa P50.5 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang makinarya.
Kabilang sa mga narekober sa mga site sa Carac-an Downstream ay ang mga excavator, pay loaders, dump trucks, generator sets, sluice boxes, water pumps, bunkhouses, at iba pang support equipment.
Nasa kustodiya na ng Cantilan police ang mga suspek habang isinasagawa ang dokumentasyon at paghahain ng pormal na reklamo sa paglabag ng Republic Act No. 7942, o Philippine Mining Act of 1995, maging ang iba pang posibleng environmental at immigration offenses.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Regional Intelligence Division 13 (RID-13) sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Rolly D. Albaña, sa Target Intel Packet No. G05-2026 ng RIU-13, at sa ilalim ng utos ni Brig. Gen. Marcial Mariano P. Magistrado IV, PRO-13 regional director.
Lumahok din sa operasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regional Enforcement Division, Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Caraga, Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Cantilan, Regional Mobile Force Battalion 13, National Bureau of Investigation (NBI)-Caraga, Philippine Air Force, Cantilan Municipal Police Station, at 2nd Surigao del Sur Provincial Mobile Force Company. RNT/JGC