MANILA, Philippines — Isinusulong ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang isang government-led loan program para sa mga petroleum retailers upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Quimbo, dehado ang mga konsyumer sa umiiral na “replacement cost” mechanism, kung saan naibebenta sa mas mataas na presyo ang lumang stock na nabili sa mas mababang halaga.
Ipinaliwanag niyang kung pipilitin naman ang price control, maaaring maapektuhan ang suplay dahil posibleng mag-atubili ang mga kumpanya na mag-replenish ng kanilang stock.
Sa halip, iminungkahi ng mambabatas na pautangin ng gobyerno ang oil firms sa makatwirang interest rate upang may pambili ang mga ito ng bagong supply habang mataas ang presyo.
“Pwede naman bumaba ang presyo sa susunod na buwan… bakit hindi muna pautangin ang gas companies para may pambili sila,” ani Quimbo.
Dagdag pa niya, mababayaran din agad ang gobyerno kapag bumaba ang presyo at kumita ang mga kumpanya.
Samantala, plano rin ng House Ways and Means Committee na imbestigahan ang posibleng cartel-like behavior ng oil companies kaugnay ng lingguhang price adjustments.
Inaasahan namang maisusulong ang mga panukalang batas kaugnay nito sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 4. RNT/JGC