MANILA, Philippines – Siyam na indibidwal ang itinuring ng International Criminal Court (ICC) bilang co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersyal na kampanya laban sa iligal na droga, ayon sa aplikasyon ng warrant of arrest na inilathala sa website ng ICC.
Bagamat hindi isinapubliko ang pangalan ng karamihan para sa kanilang seguridad, pinangalanan sa dokumento si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na itinuturing na utak ng Oplan Tokhang, at si Vicente Danao, dating hepe ng pulisya sa Davao City. Binanggit din si Bise Presidente Sara Duterte dahil sa kanyang dating posisyon bilang alkalde ng Davao City.
Kabilang sa ebidensyang isinama sa aplikasyon ang mga testimonya ng testigo, pampublikong pahayag ni Duterte, mga dokumento ng PNP at gobyerno, pati na rin ang drug watch list.
Tinukoy rin ang mga pag-amin ni Duterte sa publiko, kabilang ang kanyang sinasabing pagpatay ng 1,700 katao noong alkalde pa siya, ang umano’y pagpopondo sa Davao Death Squad, at ang kanyang pahayag na ang tanging kasalanan niya ay ang extrajudicial killings (EJKs).
Ayon sa mga abogado ng biktima, 6,000 kaso ang kanilang hinahawakan, ngunit 43 lamang ang isusumite sa ICC—19 noong alkalde pa si Duterte at 24 noong siya ay pangulo.
Pinili lamang ang mga kasong naglalarawan ng matinding karahasan sa giyera kontra droga dahil sa dami ng mga namatay. RNT