MANILA, Philippines – Dinala sa clinic ng International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang subaybayan ang kanyang kalagayan, ayon kay Harry Roque, dating tagapagsalita ng Palasyo at bahagi ng kanyang legal team.
Ayon kay Roque, nagkulang sa gamot si Duterte kaya nagpadala sila ng kanyang tunay na mga gamot kasama ang reseta upang matiyak na hindi lang substitute medicine ang ibibigay sa kanya. Bukod dito, nagpadala rin sila ng tsinelas at medyas para kay Duterte.
Sa kanyang unang pagharap sa korte, lumahok si Duterte sa pagdinig via video link matapos sabihin ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na may iniinda itong sakit. Ngunit ayon sa presiding judge na si Iulia Motoc, natukoy ng doktor ng korte na si Duterte ay nasa maayos na mental at pisikal na kondisyon.
Bago siya dalhin sa Netherlands, inilabas ng anak niyang si Veronica “Kitty” Duterte ang medical certificate ng dating pangulo, na nagpapakitang tumaas sa 328 ang kanyang glucose level at inirekomendang maospital upang maiwasan ang komplikasyon ng diabetes. RNT