MANILA, Philippines – Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ng contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya na naglalayong baligtarin ang desisyon ng korte na nagpanatili sa kanya sa kustodiya ng Senado nang halos siyam na buwan matapos siyang ma-contempt.
Sa resolusyon noong Hunyo 4, sinabi ng CA Third Division na may mali sa proseso at kulang sa sapat na basehan ang petisyon ni Discaya. Ayon sa korte, maling legal na remedyo ang kanyang isinampa at dapat sana ay ordinaryong apela ang kanyang ginawa.
Pinagtibay ng CA ang desisyon ng Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 297 noong Pebrero 23, 2026, at ang kautusan nito noong Abril 6, na nagsabing hindi napatunayan ni Discaya na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Senado nang siya ay i-contempt ng Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.
Iniimbestigahan noon ng komite ang umano’y katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang alegasyon ng pagkuha ng mga kontrata at kickback na kinasasangkutan umano nina Discaya at ng kanyang asawang si Sarah.
Nakulong si Discaya sa kustodiya ng Senado matapos umano siyang magsinungaling sa ilalim ng panunumpa tungkol sa dahilan ng hindi pagdalo ni Sarah sa pagdinig.
Sinubukan niyang makalaya sa pamamagitan ng petisyon sa Pasay RTC, ngunit ito ay ibinasura rin. Nang umapela siya sa CA, napansin ng korte na hindi rin niya nasunod ang ilang mahahalagang rekisito tulad ng pagsumite ng mga kaukulang dokumento at pagbibigay ng kopya ng petisyon sa mga respondent.
Ayon sa CA, ang certiorari ay isang espesyal na remedyo na nangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa mga tuntunin ng batas.
Samantala, noong nakaraang linggo, iniutos ng Malolos RTC ang pag-aresto kina Discaya, Sarah, at siyam pang iba dahil sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y iregular na flood control project na nagkakahalaga ng ₱53.9 milyon sa Bulacan.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Discaya at dalawa niyang kapwa akusado na mga inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan Provincial Jail. RNT/MND