MANILA, Philippines – Apat na lalaking Taiwanese ang inaresto dahil sa paglabag sa batas sa imigrasyon matapos matuklasan ng Bureau of Immigration (BI) na iligal ang kanilang pananatili sa Pilipinas.
Una silang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos sumadsad ang kanilang yate sa Manila Bay noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Coast Guard Manila Station Commander Capt. Vincent Laca, itinuring silang mga “undesirable aliens” kaya nakipag-ugnayan ang PCG sa BI upang ipatupad ang kaukulang batas sa imigrasyon.
Nalaman din ng mga awtoridad na dalawa sa mga suspek ay wanted sa Taiwan dahil sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga, habang ang dalawa naman ay iniuugnay sa pagtatago ng mga iligal na dayuhan.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ipinapakita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng mahigpit na koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno laban sa mga lumalabag sa batas.
Bukod dito, nahuli rin umano ng PCG ang apat na nagtapon ng basura sa dagat. Dahil dito, nahaharap sila sa mga kasong administratibo mula sa PCG at BI.
Ayon sa PCG, pagmumultahin ang apat ng ₱100,000 bukod pa sa mga isinampang kaso laban sa kanila.
Dumaan na sila sa booking procedures sa tanggapan ng BI sa Maynila at ililipat sa Camp Bagong Diwa para sa paunang imbestigasyon.
Tumanggi silang magbigay ng pahayag ngunit sinabi sa pamamagitan ng translation app na hihintayin nila ang kanilang mga abogado.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano sumadsad ang yate sa Manila Bay. Posible ring kumpiskahin ang sasakyang-dagat kung mapatunayang may problema ang mga dokumento nito. RNT/MND