Home HOME BANNER STORY PH, Canada, lumagda ng bagong kasunduan sa depensa

PH, Canada, lumagda ng bagong kasunduan sa depensa

3
0

OTTAWA, Canada – Lumagda ang Pilipinas at Canada sa mga bagong kasunduan sa depensa upang palawakin ang kooperasyong militar, logistics support, at joint military exercises sa Indo-Pacific region.

Nilagdaan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Canadian National Defense Minister David McGuinty ang Mutual Logistics Support Arrangement (MLSA) at Statement of Intent sa isang pulong sa Ottawa, Canada noong Biyernes.

Ayon sa dalawang opisyal, palalawakin ng mga kasunduan ang pagtutulungan sa cybersecurity, information sharing, at maritime activities.

Nakabatay ang mga bagong kasunduan sa Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) na nilagdaan noong 2025, na nagpapahintulot sa mga sundalo ng dalawang bansa na magsanay at magsagawa ng operasyon sa teritoryo ng bawat isa. Hindi pa ito nararatipikahan ng Senado at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang SOVFA sa Canada ang ikatlong visiting forces agreement na isinulong sa ilalim ng administrasyong Marcos, kasunod ng mga katulad na kasunduan sa Japan at New Zealand. Mayroon ding kahalintulad na kasunduan ang Pilipinas sa Estados Unidos at Australia, habang nagpapatuloy ang usapan sa France at Singapore.

Sinabi ni McGuinty na ang mga bagong kasunduan ay sumasalamin sa lumalakas na defense partnership ng dalawang bansa, kabilang ang paglahok ng Canada sa Balikatan exercises at iba pang naval drills kasama ang Pilipinas.

Dagdag niya, magbibigay-daan ang MLSA upang makapagbigay ng logistical support ang militar ng dalawang bansa sa panahon ng pagsasanay, exercises, at operasyon.

Ayon naman kay Teodoro, makatutulong ang mga kasunduan upang mas mapalakas ang interoperability o koordinasyon ng sandatahang lakas ng Pilipinas at Canada.

Nagpahayag din si McGuinty ng pakikiramay sa mga biktima ng kamakailang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao. Nagpasalamat naman si Teodoro sa suporta ng Canada at sinabing magtutulungan ang magkabilang bansa sa gitna ng mga hamon.

Binigyang-diin din ni Teodoro ang kahalagahan ng maritime security, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ng 2016 arbitral ruling sa South China Sea bilang gabay sa pagtatanggol ng karapatang pandagat ng Pilipinas.

Ang pagbisita ni Teodoro sa Canada ang kauna-unahang opisyal na pagbisita ng isang Philippine Secretary of National Defense sa bansa, na itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapalalim ng ugnayan ng dalawang bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here