MANILA, Philippines — Siyam na South Korean national ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa isang condominium unit sa Parañaque City matapos mahuling sangkot umano sa operasyon ng online loan fraud scheme.
Sa isang pahayag, sinabi ng BI na ikinasa ang operasyon katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) mula gabi ng Hunyo 25 hanggang madaling-araw ng Hunyo 26, batay sa mission order na inilabas para sa paghuli sa dalawang puganteng dayuhan. Ngunit sa halip, natuklasan pa ang siyam na Koreano na aktong nagpapatakbo ng hinihinalang online scam platforms.
Ayon sa ulat, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga computer stations na pinangangasiwaan ng mga suspek, kung saan may mga script na ginagamit umano sa mapanlinlang na transaksyon ng online lending.
Ayon sa isang kinatawan mula sa gobyerno ng South Korea, ang target ng mga suspek ay mga indibidwal sa ibang bansa.
Pansamantalang nakakulong ang siyam na dayuhan sa NBI-Organized and Transnational Crime Division, at inaasahang ililipat sila sa BI Warden Facility matapos ang kaukulang proseso.